Ang pagdating ng isang supling ay dapat ikaligaya. Ngunit bakit lungkot ang aking nadarama?
Mahigit isang taon na kaming nagmamahalan ng aking kasintahan. Mas nakatatanda ako sa kanya pero di ito naging hadlang sa aming relasyon.
Nung nagsisimula pa lamang kami sa aming relasyon ay tanggap na namin ang aming pagkakaibang relihiyon. Ako ay ipinanganak na Kristyano habang sya ay namulat sa relihiyong Muslim, ganunpaman pareho kaming may paggalang sa bawat pananampalataya.
Sa ikatlong buwan ng aming pagsasama ay napag-usapan namin na kung darating sa puntung kami ay mag-iisang dibdib, pipiliin namin ang maikasal sa Civil na pamamaraan para maging patas sa magkaiba naming relihiyon.
Lumipas ang panahon at napagdesisyunan naming magkaroon ng anak. Mahigit dalawang buwan naming sinubukan at awa ng Diyos, kami ay nabiyayaan. Masayang-masaya kami sa dumating na anghel ng buhay namin. Ito ay isang katuparan sa matagal ko nang pinagdarasal, ang maging isang ina.
Kahit hindi gaanong mataas ang antas namin sa lipunan ay alam naming kakayanin namin ang itaguyod ang pamilyang nais naming buuin basta’t may pagkakaisa at pagmamahal.
Ipinaalam namin sa aming magulang ang magandang balita. Inakala namin na magiging madali ito ngunit kabaliktaran ang nangyari. Dahil Muslim sya ay gusto ng kanyang magulang ang ikasal kami sa Muslim na pamamaraan. Samantalang ang magulang ko naman ay gustong sa Civil kami ikasal para patas sa dalawang magkasalungat na relihiyon.
Naging ugat pa ito ng matinding diskusyon at pagtatalo naming dalawa. Dahil napag-usapan naman namin noong una pa lang ang ikasal sa Civil na pamamaraan, nanindigan ako dito. Hindi dahil sa iyon ang gusto ng magulang ko kundi ito ay patas sa aming magkaibang pananampalataya.
Hindi pumayag ang kanyang magulang kaya ang pinakamasakit na desisyong aming ginawa ay ang magkahiwalay muna ng landas. Umuwi muna ako sa aming probinsya kahit mabigat sa aking loob. Binigyan ko sya ng panahon na makausap ang magulang niya at mapaintindi sa kanila na hindi makasarili ang desisyong magpakasal sa Civil.
Ang kaligayahang nadama ko nung nalaman kong ako’y nagdadalang tao ay napalitan ng matinding kalungkutan ng kaming dalawa ay nagkalayo ng pansamantala.
Labis na lungkot at pag-iyak ang aking nagawa. Kailangan kong tapangan at kailangan kong tumayo ng mag-isa para sa aking anak. Yung inaasam kong kasama ko siya tuwing magpapatingin ako sa doktor ay tila isang pangarap na kayhirap abutin. Sa tuwing nahihirapan ako sa aking pagbubuntis ay inaalala ko na lamang ang panahong kami ay magkasama.
Mahirap ang mag-isa, takot ang namumuo sa aking dibdib. Paano kung di ko kayanin? Paano kung hindi na kami muling magkasama? Gusto kong sumaya pero hindi ko magawa.
Masaya ako sa pagdating mo, anak, huwag mong isiping ayoko sa’yo. Masayang-masaya ako at di ko pinagsisisihan na dumating ka sa buhay ko. Patawad kung nararamdaman mo ang lungkot ko. Kung nararamdaman mong mabigat ang loob ko sa pagdating mo.
Ipinapanalangin ko na lamang na gabayan ako ng Diyos at bigyan ako ng kalakasan na palakihin ka ng maayos at may takot sa Kanya.
Darating ang araw, ang pamilyang pinapangarap ko ay mabubuo. Mahirap man sa ngayon, ito’y lilipas din. Darating din ang araw anak, lahat ng ito ay iyong mauunawaan. Mahal na mahal kita, anak.











